[go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Karnabal

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Mga kalahok sa isang parada ng karnabal sa Rio de Janeiro, Brasil.
Karnabal ng Santa Cruz de Tenerife, Espanya.

Ang karnabal ay isang panahon ng kasayahan. Tinatawag din itong pestibal o mardi gras. Maaari ring tumukoy ang karnabal sa isang lugar ng kasayahan.[1] Bilang panahon, agad na nagaganap ito bago sumapit ang panahon ng Kuwaresma (Mahal na Araw o Santa Semana). Nangyayari ang pangunahing mga kaganapan tuwing Enero at Pebrero. Kalimitang kinasasangkutan ito ng pangmadlang pagdiriwang o paradang nagsasama ng ilang mga elemento ng isang sirkus, maske (mula sa Ingles na masque), at publikong handaan sa langsangan. Malimit na nagsusuot ng kostyum o mga maskara (maskarada, mula sa masquerade) ang mga tao sa panahon ng mga selebrasyon, na tanda ng pag-ikot ng pang-araw-araw na buhay. Bagaman magkakaiba ang umpisang araw ng karnabal, karaniwang umiigting ang pestibal sa linggo bago ang Kuwaresma, na nagtatapos sa Mardi Gras (bigkas: /mar-di-gra/, Pranses para sa "Matabang Martes"), bago ang Miyerkules ng Abo, ang simula ng Kuwaresma.

Bagaman pinagtatalunan ang pinagmulan ng salitang karnabal, ayon sa isang panukala o teoriya nagbuhat ang carnival sa Griyegong prepiks o paunang carn ("mangangain ng karne"),[2] na tumutukoy sa isang kariton sa isang paradang relihiyoso, katulad ng karo sa isang prusisyon sa taunang mga pestibidad ng pagpaparangal sa diyos na si Apollo. May ibang mga sanggunian naman ang nagmumungkahing nagmula ang pangalan sa Italyanong carne levare o katulad nito, na may ibig sabihing "tanggalin ang karne", dahil bawal ang laman tuwing Kuwaresma.[3] May isang panukalang nagsasaad na nagmula ang salita sa Huling Latin na ekspresyong carne vale, na nangangahulugang "paalam na sa karne", na tanda na ang mga ito ang huling mga araw kung kailan maaaring kumain ng karne ang isang tao bago ang pag-aayuno sa Kuwaresma. Subalit mayroon pa ring isang pagsasalinwikang naglalarawan ng carne vale bilang "isang pamamaalam sa laman", isang pariralang niyakap ng partikular na mga selebrasyon ng karnabal na nanghihikayat ng pagpapalaya o pag-aalis ng iyong dati o pang-araw-araw na sarili at pagyakap naman sa walang pakundangang kalikasan ng pestibal.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Gaboy, Luciano L. Carnival, karnabal, festival - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  2. Reichman, Ruth. Karnival, Fastnacht, Fasching[patay na link]
  3. Carnival, Online Etymology Dictionary, etymonline.com